Tuesday, June 12, 2012

Malaya na nga ba Tayo?...

Malaya nga ba Tayo?...

Kung pawang mga bagabag at mga alalahanin ang sumasaiyo sa tuwina, hindi ka malaya.
Kung may patuloy na pagkatakot at kawalan ng pag-asa, hindi ka malaya.
Kung mayroong balakid, mga pagbabawal, at pagkitil sa iyong mga karapatan, hindi ka malaya.
Kung nais mong umunlad at guminhawa sa buhay, subalit pinipigil ka ng karalitaan, kakulangan sa edukasyon, mga koneksiyon sa lipunan, at mga pagkakataon, hindi ka malaya.
Hangga’t may inaapi at may nang-aa...pi, may mga kabuktutan, mga katiwalian, pagsasamantala, at mga nakawan sa kaban ng bayan, walang katapusang karukhaan ng karamihan, may kinikilingang hukuman, walang mapasukang trabaho at mga pagkakataon, hindi tayo malaya.
Isang paglalarawan; kung nakaharap ka sa isang botika, at tinatanaw mo ang gamot sa estante na siyang makalulunas sa karamdaman ng iyong anak, subalit hindi mo ito mabili sa kamahalan, hindi ka malaya. Dahil lahat ng iyong nakikitang bilihin ay may kaakibat na halaga. At ibibigay lamang ito doon sa bibili na may sapat na pambayad. Kung wala ka nito, walang kang kalayaan na ito’y mapasaiyo. Kung may salapi ka, sa iyo ito. Kung wala kang salapi, ibayong pagtitiis ang kaulayaw mo. Kawangis mo'y isang bilanggo na walang kakayahan at karapatan. Hindi ka malaya.
Lahat ay may katumbas na pagod, panahon, pagkakataon, at kabubuang salapi. Kung wala sa iyo ang mga ito, tumingin at umasam lamang ang iyong karapatan. Kung walang laman ang iyong bulsa, maraming bagay ang wala kang kalayaan na magawa, gampanan, mapasaiyo, at ikaunlad mo.
Sa isang bansa na tulad ng sa atin, sa tuwing sumasapit ang “Araw ng Kalayaan” ang ating pamahalaan ay mistulang isang bugaw (pimp) na nagkukumahog na ipangalandiri ang ating bansa na kawangis ang isang pampan (prostitute). Hindi ba nila nababatid na ang paghihimagsik na sinimulan ni Gat Andres Bonifacio at tinutulan ni Gat Jose Rizal ay hindi pa tapos? Noong tayo’y magwagi laban sa pamahalaang Kastila, pumalit naman ang mga Amerikano at sila naman ang ating nakalaban. Dahil sa panghihimasok na ito, nasangkot tayo sa digmaang Hapon at Amerikano.

Ano ang ipinagdiriwang natin, ang ating kamangmangan at pagyukod ng ulo sa mga banyaga at naghaharing-uri sa ating bansa?

Sino ang higit na malaya, ang naghaharing-uri o yaong nagdarahop at namimighating mga Pilipino. Sino ang may pambili at yaong nakatingin lamang at patanaw-tanaw na masulyapan at naghihintay na matapunan ng awa? Kung sakaliman magkakaroon ng digmaan, at ikaw ay makikipaglaban sa iba, ano ang iyong ipinagtatanggol? May sarili ka bang mga lupain, mga kabuhayan, mga ari-arian, mga negosyo, mga mansion na bahay, magagarang sasakyan, at higit sa lahat milyung-milyong salapi sa bangko, upang magtanggol para dito? Kung wala ka ng mga ito, sino at ano talaga ang ipinagtatanggol mo, ang iyong sarili o ang mga naghaharing-uri? Karamihan sa atin, kahit lupa sa paso ay walang pag-aari. Tanunging mo ang ating mga karaniwang kawal sa militar, kung ano ang ipinagtatanggol nila at lagi silang nasa parada tuwing "Araw ng Kalayaan" Wala silang nalalaman sa katotohanang ginagamit lamang sila.

Hangga’t umiiral ang mga ito sa ating bansa,
HINDI KAILANMAN, TAYO . . . MAGIGING MALAYA

No comments:

Post a Comment